Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Abril 22, ang kauna-unahang Konsyerto sa Palasyo (KSP) na nagsilbing handog umano para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at kani-kanilang mga pamilya.

Ayon sa Malacañang, layon ng “Konsyerto sa Palasyo: Awit ng Magiting” na kilalanin ang mga sakripisyo ng mga miyembro ng AFP para mapanatili ang soberanya, kapayapaan at seguridad ng bansa.

Ito umano ay ang siyang una lamang sa mangyayaring serye ng mga konsyerto sa loob ng Palasyo ngayong taon.

“Umpisa pa lamang ito ng sanib-pwersang pagsulong sa sarili nating sining at kultura upang mapagtibay at maipamalas ang pagkakakilanlan natin bilang Pilipino,” pahayag ni Marcos sa kaniyang social media post.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Kasama ng pangulong lumahok sa konsyerto sina First Lady Liza Araneta-Marcos, Vice President Sara Duterte, at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Kabilang din sa mga dumalo ang mga Cabinet secretaries at sina Senador Cynthia Villar, Jinggoy Estrada at Francis Tolentino.

Itinampok sa konsiyerto ang Samiweng Singers mula sa lalawigan ng Ilocos Norte; Musical Director Jeddi Cris Celeste mula sa Iloilo City; at Harpists Benedicto Costaños Sr. at Benedicto Costaños Jr. mula sa Cebu.

Nagtanghal din sina Poppert Bernadas mula sa Davao; Princess Vire mula sa Quezon City; Limuel Llanes mula sa Quezon Province; Rappers Marco Paolo Revidiso mula sa Parañaque City; A.K. Fella, Glnn, at MC Julyo mula sa Cavite; at Spoken Word Artist na si Kenli Marc Sibayan mula sa Ilocos Norte.

Ang naturang programa ay hatid umano ng Office of the President (OP), Presidential Communications Office (PCO), Social Secretary’s Office (SOSEC) at Presidential Broadcast Staff – Radio Television Malacañang (PBS-RTVM).