Ibinunyag ni Miss International Queen Philippines 2023 Lars Pacheco sa kaniyang vlog ang umano'y buong katotohanan sa mga paratang laban sa kaniya at sa mga kumakalat na isyu sa nasabing kompetisyon.

Ikinuwento ni Lars sa unang parte ng kaniyang vlog ang ugat sa isyung binili niya umano ang korona. Ipinakita rin niya ang mga screenshot na nagpapatunay na hindi totoo ang alegasyon tungkol sa kaniya.

Lars Pacheco, kinumpronta si Anne Patricia Lorenzo; Juliana Segovia, nakisawsaw sa MIQP issue

Nagulat umano si Lars matapos mabasa ang screenshot na pinasa ng kapwa niya kandidata na si Anne Patricia Lorenzo. Dahil hindi umano kaya ni Lars, agad niya itong pinaalam sa kaniyang team.

Aniya, "God! Ilang days na lang, bakit ngayon ko lang nalaman na may ganiyan pala akong isyu."

"Yung screenshot ni Anne sinend ko sa team ko, kasi hindi ko kayang i-carry siya alone. Kailangan malaman ng team ko, na may ganito pala akong isyu," dagdag pa niya. 

https://youtu.be/dtalygTLxE0

Binanggit din ni Lars ang totoong dahilan kung bakit nawalan ng gana si Anne sa kompetisyon ay dahil tinamaan umano ito sa mga talak ng kanilang National Director na si Michelle Montecarlo.

"Naglecture na si Ate Michelle, about the tickets. Sinabi niya lang na, I know kung ano ang ginagawa niyo, alam ko kung sinu-sino nakausap n'yo, at kung ano ang pinag-usapan ninyo," ani ni Lars.

Dagdag pa niya, "Sabi ni Ate Michelle, konting respeto naman sa sarili ninyo, konting decency naman. Do not sold yourself to the devil."

Matapos umano matalakan silang lahat, umiyak umano si Anne sa loob ng CR, dito na napansin ng ibang kandita kaya kinausap nila ito. Ayon kay Lars, nagsinungaling umano si Anne at sinabing nawalan umano ito ng gana dahil may bumili na ng korona.

Aniya, "Pumunta siya sa CR na umiiyak siya, tapos doon nakita siya ng ibang candidates kasi siguro natamaan siya doon sa sinabi ni Ate Michelle."

"Tinanong siya: Why are you crying? Umiyak daw siya dahil may bumili na raw ng Korona," saad ni Lars.

Nalulungkot naman si Lars kay Anne, dahil sinumpa pa ni Anne ang kaniyang pamilya para lamang matabunan ang pagsisinungaling nito.