Tumaas na sa 6.5% ang Covid-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) nitong nakalipas na linggo.
Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa virus mula sa kabuuang bilang ng mga taong sinuri laban dito.
Base sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Lunes, nabatid na positivity rate sa Covid-19 ng NCR ay tumaas pa sa 6.5% noong Abril 8 mula sa 4.4% lamang na naitala noong Abril 1.
Ang naturang porsiyento ay mas mataas kumpara sa 5% threshold sa Covid-19 positivity rate na itinatakda ng World Health Organization (WHO).
Samantala, iniulat rin ni David na bukod sa NCR, ilan pang lugar na nakapagtala rin ng positivity rates na mas mataas sa 5% ay ang Benguet na mula 5.5% noong Abril ay naging 6.3% Abril 8; Camarines Sur (10.4% - 14%); Cavite (3.6% - 9.3%); Cebu (4.7% - 7.7%); Davao del Sur (7.6% - 12.2%); Isabela (6.2% - 10.9%); Misamis Oriental (27.4% - 16.3%); Negros Occidental (2.8% - 7.6%); Palawan (4.1% - 13.6%); Rizal (5.2% - 11.8%); at South Cotabato (8.6% - 10.2%).
Una na ring sinabi ni David na ang nationwide positivity rate ay nasa 6.9% na hanggang nitong April 9, 2023.
Mas mababa naman ito sa 7% na nationwide positivity rate na naitala noong Abril 8, 2023.