Naghain si Senador Raffy Tulfo ng isang resolusyon na naglalayong paimbestigahan ang mga kawani ng gobyerno na hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa trabaho, gayundin ang hindi magandang pakikitungo sa mga mamamayan.
Ang inihaing Senate Resolution No. 554 ni Tulfo na may layuning magsulong sa "Anti-Taray Bill" ay nakatakdang magpataw ng parusa sa mga "taong-gobyerno" na mapatutunayang nagpabaya o nagmasungit, na kadalasang reklamo ng mga mamamayan, na nakaranas ng pamamahiya, pambabastos, o paninigaw.
“Panahon na upang maparusahan ang mga kawani ng gobyerno na nambabastos, namamahiya, naninigaw at kumakawawa sa mga kababayan natin na pumupunta sa kanilang tanggapan para makipagtransaksyon," anang senador.
"Ang empleyado ng gobyerno dapat ay pasensyoso at nagseserbisyo, hindi nagsusuplado."
Giit ng senador, nagmumula sa buwis ng taumbayan ang pinapasuweldo sa mga kawani o empleyado ng gobyerno kaya nararapat lamang na maging maayos ang trato ng mga ito sa lahat.