Arestado ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil umano sa pangongotong sa may-ari ng isang trucking company sa Port Area, Maynila nitong Biyernes, Marso 31.
Nakakulong na sa National Capital Region Police Office-Regional Special Operations Group (NCRPO-RSOG) ang suspek na si Rey Gaza, 53, nakatalaga sa Northern Traffic Enforcement Division-Traffic Reaction Unit ng MMDA.
Sa police report, hindi na nakapalag ng suspek matapos damputin ng mga tauhan ng NCRPO-RSOG at MMDA-Intelligence and Investigation Office (IIO) sa Port Area, Maynila nitong Marso 31 matapos tanggapin ang marked money na ₱5,000 mula sa complainant na si Salvador Jecino.
Sa pahayag ni Jecino, nangongolekta umano sa kanya si Gaza at mga kasabwat nito ng ₱10,000 na "payola" kada buwan mula noong 2019 upang hindi umano maabala ang operasyon ng trucking company nito sa North Harbor at Valenzuela.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong robbery extortion at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa suspek.