Inilabas na ng Quantum Fillms ang full trailer ng pinakabagong comedy film na “Here Comes the Groom,” na isa sa mga opisyal na pelikulang kalahok sa kauna-unang Summer Metro Manila Film Festival.
Bibida sa nasabing pelikula sina Enchong Dee, Keempee De Leon, Maris Racal, Awra Briguela, Gladys Reyes, at Eugene Domingo. Kasama rin sina Nico Antonio, Iyah Mina, Fino Herrera, at Kuya Kim Atienza. Mayroon ding special participatin sina Miles Ocampo and Tony Labrusca at sasabak naman sa pelikula sa unang pagkakataon ang drag queen na si Xilhouete at si KaladKaren.
Ibinahagi naman ni Maris Racal sa isang Instagram post ang trailer ng kanilang pelikula, kasabay ng panawagan na panoorin ito.
“Ang lala ng trailer na to!! Hahaha. Save the date ngayong April 8! Invited ang buong pamilya sa bardagulan wedding of the summer! Kitakits sa mga sinehan,” aniya.
Tila marami naman ang nanabik na mapanood ang “Here Comes the Groom,” na siyang sequel sa 2010 film na “Here Comes the Bride.”
Si Chris Martinez ang direktor at nagsulat ng pelikula na siyang hatid ng Quantum Films, CINEKO Productions, at Brightlight Productions.
Isa ang “Here Comes the Groom” sa walong pelikulang bibida sa unang Summer MMFF, na siyang mapapanood sa mga sinehan mula Abril 8 hanggang Abril 18, sa tulong ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP).
Ang “Parade of Stars” ay gaganapin sa Abril 2 sa Quezon City, habang ang MMFF Awards Night naman ay gaganapin sa Abril 11 sa New Frontier Theater.