Sinimulan nang idaos ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules ang kauna-unahang National Election Summit sa bansa, na tatagal ng tatlong araw at inaasahang tatalakay sa ilang mahahalagang electoral issues sa bansa.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na ang summit, na ginaganap sa Sofitel Hotel sa Pasay City, ay inorganisa nila upang mabigyan ng pagkakataon ang komisyon na madinig ang mga opinyon ng mga stakeholders sa pagpapatupad ng election laws sa bansa.
Makasaysayan aniya ang aktibidad dahil nagpapakita ito ng intensiyon ng Comelec na makinig at umaksyon sa mga isyung may kaugnayan sa halalan.
Aniya pa, imbitado sa summit ang iba't ibang election watchdogs, civil society groups at mga opisyal ng gobyerno para makalap ang lahat ng inputs o suhestiyon para mapabuti ang halalan sa bansa.
Kabilang pa sa mga isyung inaasahang tatalakayin sa summit ay ang campaign finance, pamamaraan paramatiyak ang pagdaraos ng patas na halalan, seguridad ng mga halalan partikular ang antas ng kapangyarihan na ibibigay sa Comelec para maiwasan ang mga karahasan sa mga kandidato, election officers at mga miyembro board of election inspectors, at iba pa.
Nabatid na sa unang araw ng summit nitong Miyerkules ay dumalo sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senator Imee Marcos, at Mountain Province Rep. Maximo Dalog Jr..
Inaasahan namang sa ikalawang araw nito ay dadalo sina Vice President Sara Duterte at Executive Secretary Lucas Bersamin.
Samantala, sa huling araw sa Biyernes, Marso 10, ay inaasahan ang presensiya ni Pang. Ferdinand Marcos Jr..