Magkakasa ang Manila City Government ng contingency plan upang mabawasan ang inaasahang magiging epekto ng isang linggong transport strike na ikinakasa ng ilang transport group sa susunod na linggo.
Nabatid nitong Huwebes na pinulong na ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Manila Police District (MPD), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) upang paghandaan ang naturang planong tigil-pasada na sisimulan, ganap na alas-7:00 ng umaga ng Marso 6, Lunes, at magtatagal hanggang sa Marso 12.
Ayon kay Lacuna, ang inisyal na pulong ay ginanap sa kanyang tanggapan sa Manila City Hall, kasama sina MPD Director PBGen. Andre Dizon, Dennis Viaje ng MTPB at MDRRMO chief Arnel Angeles, gayundin ang tagapagsalita ng alkalde na si Atty. Prinsesa Abante.
Anang alkalde, maglalagay sila ng mga contingency plan upang matulungan ang mga commuters na maapektuhan ng nasabing transport holiday.
Nais rin ni Lacuna na matiyak na magiging payapa at maayos ang naturang strike hanggang sa matapos ito.
Kasabay nito, umapela naman si Lacuna sa lahat na maging mahinahon.
Aniya, umaasa siyang walang magaganap na anumang karahasan sa gitna ng protesta.
Nabatid na inatasan rin naman ng alkalde si Viaje na maglaan ng mga bus na maghahatid sa mga maiistranded na pasahero mula Maynila patungo sa alinman sa mga hangganan ng lungsod.
Matatandaang ilang transport group ang nagpahayag na magsasagawa sila ng isang linggong tigil-pasada bilang protesta sa Public Utility Vehicles (PUV) Modernization Program ng gobyerno.