Uuwi na sa Pilipinas bukas, Pebrero 28, ang 82 contingents na ipinadala ng bansa sa Turkey para tumulong sa pag-rescue ng mga survivor doon matapos yumanig ang magnitude 7.8 na lindol noong Pebrero 6.

Ibinahagi ng Office of Civil Defense kamakailan na uuwi na ng bansa ang Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) team matapos makita ng mga awtoridad ng Turkey na nababawasan na ang tsansang mayroon pa ng natitirang survivor matapos ang isinagawang sunod-sunod na rescue missions.

Sa isang pahayag nitong Lunes, Pebrero 27, pinasalamatan ng Philippine Embassy in Ankara ang PIAHC sa kanilang mga naitulong sa rescue missions sa Turkey.

“The embassy commends the selfless work of the Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) Team with its 82 members, who are returning home on Tuesday,” anito.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Binanggit din ng Philippine Embassy in Ankara na malaki ang naging kontribusyon ng PIAHC sa rescue missions sa Turkey. Nakapag-assist daw ng mahigit 1,000 mga pasyente ang Philippine Medical Assistance Team, habang nakapag-rescue naman ng sampung survivors at nakakuha ng mahigit 100 labi ng mga biktima mula sa mga gumuhong gusali ang Philippine Urban Search and Rescue.

“Although their mission has come to a close, the bonds that tie the Philippines and Turkiye have been forged stronger through united action during this difficult time,” anang embassy.

Sinimulan ng PIAHC ang kanilang rescue mission sa Turkey noong Pebrero 10.

BASAHIN: PH response team, nagsimula na ng rescue mission sa Turkey