Muling isinagawa ng mga kasapi ng Alpha Phi Omega (APO) fraternity mula sa Unibersidad ng Philippines (UP) Diliman ang Oblation Run nitong Biyernes, Pebrero 17, matapos itong mahinto ng dalawang taon dahil sa Covid-19 pandemic.

Sa taong ito, umikot ang protesta sa pagsalungat ng APO sa pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang.

‘Sama-sama Tayong Babaon Muli’ ang naging tema ng protesta na hinango umano sa slogan ni President Marcos na ‘Babangon Muli’.

“Nangyari na muli ang mahigit tatlong dekada nating iniwasan na maulit,” pahayag ng APO.

National

PUP nagbukas na rin ng klase para sa female PDLs ng Manila City Jail

“Mistulang kaputol lamang ng rehimeng Marcos Sr ang bagong-talagang pamunuan ni Bongbong Marcos Jr: malakihang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, paghina ng piso kontra dolyar sa nakalululang antas, at pangungutang mula sa mga dayuhan na bansa at institusyon na umabot kailan lamang sa tumataginting na 13.52 trilyong piso sa katapusan ng Setyembre 2022,” dagdag nito.

Lumabas ang mga dumalo sa protesta sa Palma Hall ng UP Diliman campus, Quezon City, kaninang tanghali kung saan naghihintay ang manonood.

Ang Oblation Run ay isang taunang protesta ng mga miyembro ng APO na nagpapakita ng kanilang opinyon sa iba’t ibang isyung panlipunan.

Taong 1977 nang isagawa ito upang salungatin ang pagpapatanggal ng pelikulang “Hubad na Bayani” na siyang naglalantad umano ng pang-aabuso ng karapatang-pantao noong panahon ng martial law.

Nakuha ang pangalan nito sa hubad na Oblation statue ng UP Diliman na siyang sumisimbolo sa walang pag-iimbot na pag-aalay ng sarili sa bansa.