“Ngayong Valentine's, hindi kailangang mahal ang magmahal!”
Nagbigay ang Department of Health (DOH) ng apat na ‘budget-friendly tips’ para ipagdiwang ang araw ng mga puso sa Pebrero 14.
Sa kanilang Facebook post kahapon, Pebrero 11, ibinahagi ng DOH na hindi naman kailangang gumastos nang malaki para maging masaya sa Valentine’s day.
Unang paraan para maging masaya umano sa naturang araw ay ang ayain ang minamahal sa park.
“Bukod sa libre, nakakatulong pa sa mental health ang pagpunta sa green spaces. Ang malusog na mental health ay susi sa malusog na relasyon,” anang DOH.
Sinabi rin ng ahensya na maaaring manood ng TV ang mga magkasintahan sa bahay para magkaroon sila ng quality time together.
“Hindi kailangang lumabas at gumastos para ipakita ang pagmamahal,” hirit pa ng DOH.
Bukod dito, maaarin rin umanong matuto ang magkasintahan ng bagong skills sa araw ng mga puso tulad na lamang ng pagluluto ng masustansiyang pagkain o paglalaro bagong sports para maging “fit and healthy” sila together.
Last but not the least? Maaari raw magpa-booster nang magkasama ang magkasintahan sa Valentine’s day.
“Libre lang ito at siguradong protektado ka at ang mahal mo sa buhay kontra Covid-19,” anang DOH.