Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 613 bagong kaso ng Omicron Covid-19 subvariants.

Ito ay base na rin sa resulta ng pinakahuling genome sequencing na isinagawa ng University of the Philippines-Philippine Genome Center noong Enero 28 sa may 694 samples.

Sa biosurveillance report ng DOH na inilabas nitong Miyerkules, nabatid na 252 sa mga bagong kasong subvariants ay natukoy bilang BA.2.3.20; nasa 201 ang XBB; 25 ang BA.5; 15 ang XBC; dalawa ang BA.2.75; at 118 ang iba pang sublineages.

Nabatid na ang mga bagong kaso na ito ng BA.2.3.20 at XBB ay local cases ay natukoy na rin sa iba pang rehiyon sa bansa, maliban sa Eastern Visayas, Northern Mindanao at Davao region.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Sa may 25 kaso naman ng BA.5, 16 ang local cases at ang iba ay Returning Overseas Filipinos.

Natukoy naman sa Zamboanga Peninsula, Socksargen at CARAGA ang 15 bagong XBC cases habang ang 2 BA.2.75 cases naman ay mula sa Central Visayas at CARAGA.

Kinumpirma rin ng DOH na sa kasalukuyan, ang BA.5 pa rin ang nananatiling dominanteng strain sa Pilipinas at mayroon na itong kabuuang 12,687 kaso.

“Right now what we are trying to be cautious about would be the XBB1.5, which is circulating in the US... and other countries,” ayon kay DOH Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire.

Sa kabila nito, tiniyak rin naman ni Vergeire na hindi na opsyon sa ngayon ang pagsasara ng mga borders ng bansa dahil sa layunin ng pamahalaan na mapalakas muli ang ekonomiya.

Samantala, pinawi rin naman ng DOH ang pangamba ng publiko dahil normal umano sa virus ang mag-mutate basta mayroong host.

Mahigpit rin ang paalala ng DOH sa publiko na manatiling sumusunod sa health protocol at magpabakuna na laban sa Covid-19 upang hindi dapuan nito.