Hindi pinalad na mapasama ang Filipino pride na si Dolly De Leon sa mga nominado sa pagka-Best Supporting Actress para sa pelikulang "Triangle of Sadness", sa prestihiyosong Academy Awards o Oscars.

Ang mga nominado sa kategoryang ito ay sina Angela Bassett ng "Black Panther: Wakanda Forever," Hong Chau ng "The Whale," Kerry Condon ng The Banshees of Inisherin," Jamie Lee Curtis ng "Everything Everywhere All at Once," at Stephanie Hsu ng "Everything Everywhere All at Once,"

Ang direktor ng Triangle of Sadness na si Ruben Östlund ay nominado naman sa pagka-Best Director, at ang mismong pelikula ay nominado sa pagka-Best Picture at Best Original Screenplay.

Marami naman ang nagtataka kung bakit wala sa listahan ng mga nominado si Dolly gayong napansin na ito ng iba't ibang award-giving bodies.

Dolly De Leon, panalo bilang ‘Best Supporting Actress’ sa Sweden

Noong Lunes, Enero 23, nasungkit ni De Leon ang "Best Actress In A Supporting Role" sa 58th Guldbagge Awards sa Sweden. Ito ang katumbas ng Oscars sa naturang bansa.

Nagwagi rin siya sa parehong kategorya sa LA Film Critics Association Awards noong Enero 14.

Gumawa naman siya ng kasaysayan dahil siya ang kauna-unahang Filipina actress na na-nominate sa 80th Golden Globe Awards sa Los Angeles, United States noong Enero 10 sa parehong kategorya, subalit nasungkit ang parangal ni Angela Bassett ng "Black Panther: Wakanda Forever."

Congrats pa rin kay Dolly dahil sa karangalang kaniyang bitbit sa ibang bansa. Tatak-Pinoy!