Napaka-successful umano ng isinasagawang pilot test ng ‘Register Anywhere Project (RAP)’ ng Commission on Elections (Comelec), na sinimulan nila nitong Sabado, Disyembre 17.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kasalukuyan ang pagdaraos nila ng RAP sa lahat ng itinalagang pilot test sites nito.
“Initially po, napaka-successful... Ongoing po lahat,” pahayag pa ni Garcia, sa isang pulong balitaan.
“Nakakatuwa dahil kaya naman pala nating gawin ito, bakit hindi pa natin ginawa noon? But just the same, better late than never. Ito po'y magandang simula, pero sana naman ay tangkilikin ng ating mga kababayan,” aniya pa.
Ang RAP ay programang isinusulong ng Comelec, na nagpapahintulot sa lahat ng kuwalipikadong botanteng Pinoy, upang makapagrehistro saan mang lugar sila naroroon.
Available din ito para sa mga overseas voters.
Isinasagawa ang pilot test ng RAP sa limang piling malls sa National Capital Region (NCR) at mga lalawigan.
Inaasahan rin naman ni Garcia na makapagtayo ng mga pilot sites sa may 80 malls sa buong bansa.
Una nang sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, na isasagawa ang proyekto tuwing Sabado at Linggo mula Disyembre 17 hanggang Enero 29, 2023.
Gayunman, wala aniyang registration na magaganap sa Disyembre 24, 25 at 31, 2022 gayundin sa Enero 1, 2023.
Sinabi ng poll official na ang sinumang kwalipikadong aplikante na naninirahan sa Pilipinas ay maaaring magparehistro sa RAP booths sa designated NCR mall sa panahon ng pilot period.
Kailangan lamang aniya nitong magsumite ng application form, documentary requirements, at magpakuha ng biometrics on-site.
Ang mga naturang dokumento at biometrics data ay ieendorso at ipapadala naman ng recipient RAP teams sa Office of Election Officer sa distrito, lungsod o munisipalidad na may hurisdiksyon sa residente ng aplikante, para sa kinakailangang beripikasyon, publikasyon at hearing ng Election Registration Board (ERB) Hearing.