Iniulat ng Department of Health (DOH) na nakakapagtala sila ng pagtaas ng mga kaso ng chikungunya sa bansa ngayon, kumpara noong nakaraang taon.

Sa panayam sa telebisyon nitong Biyernes, tiniyak naman ni DOH officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na sa  ngayon ay patuloy silang nagsasagawa ng surveillance sa mga kaso ng naturang karamdaman.

“Pag tiningnan po kasi natin at kinukumpara natin ang mga numero ng chikungunya detection ngayong 2022 compare to the previous year 2021, makikita natin talaga na tumaas,” ayon kay Vergeire.

“Pero kailangan maintindihan natin during last year, ang ating surveillance system were mainly focus on Covid-19 because of the increase in the number of cases so baka factor yan. Kaya baka mas mababa talaga ang naitatala natin last year because of the circumstance ng Covid-19,” paliwanag pa niya.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Pinayuhan naman ni Vergeire ang publiko na maging maingat dahil ang lahat ng age group, kabilang na ang matatanda, ay maaaring dapuan ng naturang sakit.

Aniya, pinakamabisang paraan upang maiwasan ang chikungunya ay ang pagpapanatiling malinis sa paligid at pagtatapon ng stagnant water na maaaring pamahayan ng mga lamok.

“Kailangan po mag-prevent tayo, linisin ang kapaligiran itapon yung mga tubig na stagnant sa ating kapaligiran," ani Vergeire.

"... and of course we protect ourselves by wearing mahahabang damit para hindi nakakagat ng lamok at kapag may sakit na magpatingin,” aniya pa. 

Sinabi ni Vergeire na ang chikungunya ay nakukuha mula sa kagat ng lamok.

Karaniwan aniyang sintomas nito ay lagnat; pananakit ng kasu-kasuan, ulo, at kalamnan; at pagkakaroon ng rashes.