Kumpiyansa si Department of Health (DOH) officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na magiging 'totally different' ang Pasko sa bansa ngayong taon.
Bunsod na rin aniya ito ng mas mataas na vaccination rate sa Covid-19 ng mga Pinoy at mas handang mga pagamutan.
Ang pahayag ay ginawa ni Vergeire nitong Miyerkules sa huling bahagi ng tatlong araw na “Bakunahang Bayan” laban sa Covid-19 na isinagawa mula Disyembre 5-7.
“Ngayon, laging tinatanong sa ‘kin kung kamusta ang Pasko natin ngayong 2022 kumpara sa Pasko noong 2021 at 2020. Lagi kong sinasagot it will be totally different. Ito po ay kakaiba sa mga naging Pasko natin noong mga nakaraang dalawang taon dahil ngayon, punong-puno na tayo ng armas para labanan ang Covid-19” aniya pa.
Tinukoy rin ni Vergeire ang availability ng antiviral medicines na maaaring inumin ng COVID-infected individuals upang hindi na lumala ang kanilang nararanasang sintomas.
Ipinagmalaki pa ni Vergeire na mas handa na ngayon ang mga pagamutan na mag-admit at magbigay ng lunas sa COVID-19 patients, kumpara ng mga nakalipas na taon.
“Ang pinaka-importante, lahat ng ospital natin ngayon ay handang-handa na mag-admit ng pasyente at mag-gamot ng mga pasyente. Ang sabi nga nila, naging eksperto na ang mga doktor natin dito sa Pilipinas sa paggagamot ng COVID-19. Simula 2020 hanggang sa ngayon, nanggagamot sila ng Covid-19. Alam na alam na nila kung paano nila maisasalba ang buhay ng ating kababayan,” aniya pa.
Muli rin namang binigyang-diin ni Vergeire ang kahalagahan ng pagpapabakuna na siya pa rin aniyang pinakamabisang paraan upang magkaroon ng proteksyon laban sa Covid-19.Aniya pa, malaking tulong ang bakuna laban sa mas malalang uri ng Covid-19. Hinikayat rin niya ang eligible population na magpabakuna na at sinabing, “Ayaw na ho nating bumalik sa dating estado.”
Batay sa datos ng DOH, umaabot na sa 73.7 milyong Pinoy ang fully vaccinated na laban sa Covid-19. Sa naturang bilang, 21 milyon na ang nakatanggap ng kanilang booster shots.