Sa paglaganap ng text scam, nagbabala si Senador Win Gatchalian sa mga indibidwal o grupo na nagpapadala ng mga text scam at phishing messages na malapit ng matapos ang kanilang maliligayang araw dahil minamadali na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Subscriber Identity Module (SIM) Registration Law bago tuluyang maipatupad ang batas.
"Napansin namin na patuloy ang paglaganap ng mga scam at phishing messages kahit na naipasa na ang batas. Pero umaasa tayong mababawasan na ang bilang ng mga kawatan habang papalapit na ang pagpapatupad ng batas na magsisimula sa Disyembre 27," ani Gatchalian nitong Huwebes, Nobyembre 24.
Magsasagawa ng pagdinig angNational Telecommunications Commission (NTC)sa Disyembre 5 kasama ang mga telecommunications provider para isapinal ang IRRna kilala rin bilang Republic Act No. 11934.
Nakasaad sa batas na ang mga SIM card ay naka-deactivate kapag ibinebenta at maaari lamang i-activate kapag nakarehistro na.
Ang pagpaparehistro ng SIM card ay kailangan magpakita ng valid id.Ang sinumang magparehistro ng SIM card gamit ang mali o kathang-isip na impormasyon, at kathang-isip na pagkakakilanlan ay sasailalim sa naaangkop na mga parusa.
"Matagal nang panahon na nagdudulot ng panganib at pangamba ang mga scam at phishing text messages na ito sa maraming telco subscribers sa bansa. Panahon na para matuldukan ang ganitong mga gawain, mabigyan ng maayos na seguridad ang mga telco subscribers, at panagutin ang mga kawatan," ani Gatchalian.