Nagtatago pa rin umano si National Bilibid Prison (NBP) Supt. Ricardo Zulueta na isa sa itinuturong mastermind sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival "Percy Lapid" Mabasa at sa umano'y "middleman" na si Cristito Villamor.

Ito ang sinabi nito Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes kaya inatasan na nito ang National Bureau of Investigation (NBI) na makipag-ugnayan sa pamilya ni Zulueta upang matunton na ito.

Si Zulueta ay hindi sumipot sa isinagawang preliminary hearing ng DOJ nitong Nobyembre 23, kaugnay sa kinakaharap na dalawang kasong murder sa pagkakapaslang kina Lapid at Villamor.

Binibigyan pa si Zulueta ng isa pang pagkakataon na maghain ng counter-affidavit sa itinakdang pagdinig ng kaso sa Disyembre 5. Inaasahan ding magsusumite ng counter-affidavit ang kampo ni Bantag sa nasabi ring petsa.

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

Kasama ni Zulueta sa kinasuhan si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at iba pang preso sa NBP.

Naiulat na nag-AWOL (Absent Without Official Leave) si Zulueta ilang araw matapos mapaslang si Lapid at Villamor.

Matatandaang ilang araw matapos mapatay si Lapid ay sumuko si self-confessed gunman Joel Escorial at sinabing si Villamor ang nag-utos sa kanyang grupo upang patayin ang mamamahayag.

Gayunman, namatay si Villamor apat na oras matapos iharap sa publiko si Escorial nitong Oktubre 18.

Sinabi rin ni Escorial na bago namatay si Villamor ay binanggit sa kanya na si Bantag ang nagpapatay umano kay Lapid.

Si Lapid ay pinagbabaril at napatay habang sakay ng kanyang kotse, malapit sa BF Resort Village, Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.