Kumpiyansa si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na magiging operational na sa Setyembre 2024 ang Cavite Extension project ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).
Sa kanyang ginawang twin inspection sa Dr. Santos at Ninoy Aquino Stations ng rail line nitong Lunes, tiniyak rin ni Bautista na 'on track' ang konstruksiyon ng proyekto.
Ayon kay Bautista, mayroon na ring kasunduan ang DOTr at ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) para tiyaking ang rail line ay magiging operational gaya nang nakasaad sa iskedyul nito.
“So far, we are [on track]. This is the reason why we are here—to make arrangements with the LRMC and their contractors so that this line will be operational as scheduled,” pahayag pa ni Bautista.
“We are expecting that this line will be operational by September of 2024. I’m impressed with the status of the project,” dagdag pa niya.
Sa ngayon ay umaarangkada na ang konstruksiyon ng LRT-1 Cavite Extension Stations.
Nabatid na ang Dr. Santos, Ninoy Aquino, at Redemptorist Stations sa Parañaque City ay nasa 48.03%, 34.06%, at 30.17% progress rates na.
Samantala, ang Asia World at MIA Stations sa Pasay City naman ay may 37.12% at 35.47% progress rates na.
Ang 11.7-kilometrong proyekto ay mayroong walong istasyon na siyang magkokonekta sa Baclaran, Parañaque City at Bacoor, Cavite.
Ito ay joint venture ng DOTr, Light Rail Transit Authority (LRTA), at ng LRMC.
Sa sandaling maging fully operational, ang LRT-1 Cavite Extension Project ay inaasahang makatutulong upang mabawasan ang travel time sa pagitan ng Baclaran at Bacoor, Cavite ng hanggang 25 minuto lamang, mula sa kasalukuyang isang oras at 10 minuto.
Makatutulong rin ito upang madagdagan ang kapasidad ng rail line mula sa kasalukuyang 500,000 ay magiging 800,000 pasahero kada araw.