Nagpositibo sa red tide ang mga coastal areas sa Eastern Visayas, ayon sa pahayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Biyernes.
Sa abiso ng BFAR, kabilang sa mga apektado ng Paralytic Shellfish Poisoning toxin o red tide ang San Pedro Bay sa Basey, Samar, gayundin ang coastal waters ng Guiuan, Eastern Samar.
Nananatili pa rin ang red tide toxin sa mga sample mula sa Cancabato Bay sa Tacloban City at ang Irong-Irong Bay na saklaw ng Catbalogan City, Samar.
Kaugnay nito, binalaan ng BFAR ang publiko na iwasan muna ang paghango, pagbili, at pagkain ng anumang klase ng shellfish at alamang sa nasabing mga dalampasigan.
Nilinaw pa ng ahensya, ligtas kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango mula sa mga nasabing lugar.