Heads up, commuters!

Naglabas na ng train schedule ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) para sa nalalapit na Undas.

Sa advisory ng Light Rail Transit Authority (LRTA) nitong Miyerkules, nabatid na ang LRT-2 ay magpapatupad ng regular na operasyon ngayong Undas upang matiyak na maserserbisyuhan ang mas maraming pasahero.

Nabatid na ang unang biyahe mula sa Recto Station sa Maynila at Antipolo City sa Rizal, ay aalis ng alas-5:00 ng madaling araw.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang huling biyahe naman mula sa Antipolo ay alas-9:00 ng gabi habang ang last trip mula sa Recto ay alas-9:30 ng gabi.

Anang LRTA, ang mga istasyon ng Recto at Antipolo Station ay isasara nila limang minuto bago ang kanilang huling biyahe.

Pagtitiyak pa ng LRTA, may sapat na bilang ng mga empleyado sa lahat ng istasyon ng LRT-2 partikular na sa ticketing booths upang hindi maantala ang serbisyo nito ngayong ‘Long Undas Break.’

Patuloy rin anilang aalalay at tutugon sa pangangailangan at hinaing ng mga pasahero ang mga security marshall sa loob ng tren at iba pang frontline personnel ng LRTA.

Bukod dito, magpapatupad rin umano sila ng mahigpit na seguridad sa lahat ng istasyon ng tren para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero gaya ng istriktong pagpapatupad ng “No Inspection/Frisking-No Entry” policy.

Pinaalalahanan rin ng LRTA ang mga pasahero na sumunod pa rin sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask upang makaiwas sa COVID-19, habang patuloy rin anila ang pagsasagawa ng disinfection at sanitation sa mga tren at pasilidad ng LRT-2.

Samantala, ayon naman sa advisory ng MRT-3, ang kanilang mga tren ay mag-o-operate base sa kanilang regular holiday at weekend schedules ngayong Undas 2022.

Alinsunod sa Undas Schedule ng MRT-3, nabatid na mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 1, 2022, ang unang biyahe ng tren mula sa North Avenue, Quezon City ay ganap na alas-4:38 ng madaling araw habang ang huling biyahe naman ay ganap na alas-9:30 ng gabi.

Samantala, ang unang biyahe naman ng tren mula sa Taft Avenue sa Pasay City ay ganap na alas-5:19 ng madaling araw habang ang last trip ay alas-10:09 ng gabi.

Siniguro rin naman ng MRT-3 na handang-handa na sila sa pagpatupad ng “Oplan Biyaheng Ayos” para sa Undas, upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga pasaherong sumasakay ng tren.

Ayon sa pahayag ni MRT-3 General Manager (GM) Engr. Federico J. Canar, Jr., ang bilang ng mga kawaning nakatalaga ay sapat upang magarantiya ang walang patid na serbisyo sa mga ticketing booth, at mapatupad ang minimum public health standards sa buong linya.

"Patuloy po ang ating mga security marshals sa pagpapanatili ng kaayusan sa ating mga istasyon at pagpapatupad ang “Seven Commandments” o pitong kautusan na dapat sundin kapag nakasakay ng mga tren,” dagdag pa ni GM Canar.

Nabatid na kabilang sa naturang “Seven Commandments” o pitong kautusan na dapat sundin ng mananakay ng tren ay ang sumusunod: (1) Magsuot ng face mask; (2) Bawal ang pagsasalita, pakikipag-usap o pagsagot ng telepono; (3) Bawal ang pagkain; (4) Kailangang may sapat na ventilation; (5) Kailangang may frequent disinfection; (6) Bawal magsakay ng symptomatic passenger; at (7) Kinakailangang sumunod sa appropriate physical distancing.

Sinabi pa ni GM Canar na mayroon ng public address (PA) system sa lahat ng mga istasyon upang ipaalala sa mga pasahero ang safety at security measures sa MRT-3.

Mayroon ding magmamandong mga kawaning nakatalaga sa Commuter Welfare Desk sa bawat istasyon upang umagapay at tumugon sa mga pangangailangan ng mga pasahero, ayon pa sa kanya.