Ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela ay naglunsad ng libreng Wi-Fi at mobile educational hub na tinawag na “Just E-Connect” sa Barangay Gen. T. De Leon noong Sabado, Okt. 15.
Sa pakikipagtulungan ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Gen. T. De Leon, ang “Just E-Connect” program ay naglalayon na mapadali ang walang gastos na pananaliksik at edukasyon para sa mga mag-aaral na walang data at gadgets.
Nakiisa si Valenzuela City Mayor Weslie “Wes” Gatchalian, kasama ang first district Rep. Rex Gatchalian at Gen. T. De Leon SK Chairman Justine Joy Rivera, sa inaugural trip ng “Just E-Connect” van sa Sitio Kabatuhan II Covered Court sa parehong barangay.
Ang mobile education hub ay isang naka-air condition na van na may mga laptop, television set, printer at isang photocopying machine.
Sinabi ng mga lider ng kabataan na nais nilang tulungan ang mga nahihirapang ma-access ang kanilang mga online na klase, paggawa ng online na research at mga gawaing panggrupo, bukod sa iba pa sa gitna ng pandemya ng Covid-19.
Ang "Just E-Connect" ay sadyang ginawang bahagyang maliit para madaling mag-navigate sa mga makikitid na eskinita upang maabot ang pinakaloob na sulok ng komunidad.
Ang pamahalaang lungsod ay pumasok sa isang memorandum ng kasunduan sa mga Gentinian Youth Leaders at Rivera upang tumulong sa pagpopondo ng kanilang proyekto sa mobile education hub.
Ang P300,000 na nakuha mula sa Galing Pook Awards na napanalunan ng lokal na pamahalaan sa Valenzuela Live noong Oktubre 2021 ang nagsilbing seed fund ng proyekto.
Idinagdag ng pamahalaang lungsod na nakatakdang maglagay ng 17 Wi-Fi spot sa Barangay Gen. T. de Leon.
Sinabi rin ni Mayor Gatchalian na plano niyang maglunsad ng Mobile Wi-Fi Stations sa lungsod.
“Ang internet issue, always remains an issue. Alam naman po natin dito sa Valenzuela City ay hindi perpekto ang pagbibigay ng internet connection. Ang balak ko po, ay magkaroon ng ‘mobile wi-fi station’. Dadaan tayo sa isang kumunidad at magbabato tayo ng libreng internet doon. Umiikot po ang van na ‘yon hanggang maabot ang mga lugar na may mahinang Wi-Fi connection,” aniya.
Pinapurihan naman ni Rex Gatchalian si Rivera, ang SK Council, at ang mga miyembro ng Gentinian Youth Organization sa kanilang pagsisikap at pagpupursige na ituloy ang programa.
“This prototype will undergo monitoring and observation for improvement possibilities. A similar project can also be launched in other barangays in the city, and in other localities in the country,” saad niya.
“Kahit face-to-face na, may kaakibat na gastos ‘yung pupunta ka sa computer shop para magpa-print o mag-research. So, ito mobile library, umikot [ito] sa mga areas na nangangailangan,” dagdag niya.
Dumalo rin sa okasyon sina Vice Mayor Lorie Natividad-Borja, Councilors Niña Lopez, Louie Nolasco, at Chiqui Carreon, Barangay Councilors mula sa Barangay Gen. T. de Leon, at iba't ibang organisasyon ng kabataan mula sa iba't ibang barangay.
Jaleen Ramos