Desidido na si Ginebra resident import, naturalization candidate Justin Brownlee na mapabilang sa Gilas Pilipinas na sasabak sa 5th window ng FIBA World Cup Asian qualifiers sa Nobyembre.
Ito ay nang makita si Brownlee sa ensayo ng koponan sa Meralco gym kamakailan, kasama si naturalized player Ange Kouame.
Sinimulan ng National team ang lingguhan nilang practice nitong Lunes, sa pagmamando ni coach Chot Reyes.
Ibinahagi naman ni Reyes sa social media ang bahagi ng dibdibang ensayo ng koponan, kung saan nakitang nag-i-stretching sina Brownlee at Kouame, kasama ang iba pang teammates.
Dumalo rin sa practice sina Ginebra playersScottie Thompson, Japeth Aguilar, at Jamie Malonzo; Chris Newsome (Meralco); Roger Pogoy at Calvin Oftana (TNT); CJ Perez (San Miguel Beer); at Arvin Tolentino (NorthPort).
Nagpakita rin sa ensayo si William Navarro na nauna nang hindi pinayagang maglaro sa Korean Basketball League, at Francis Lopez.
Nakatakdang harapin ng Gilas ang Jordan sa Nobyembre 10 bago pa ang salpukan nila ng Saudi Arabia sa Nobyembre13 sa 5th window ng 2023 FIBA World Cup Asian qualifiers.