Pinaplano muli ng Commission on Elections (Comelec) na ipagpaliban ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa 2022 Barangay, Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Paliwanag ni Comelec chairperson George Garcia, posible itong maisagawa habang nakabinbin pa ang desisyon sa panukalang ipagpaliban ang nasabing halalan.
Nauna nang isinapubliko ni Garcia na itinakda ang paghahain ng COC para sa naturang eleksyon sa Oktubre 6-13.
Aniya, isa lang ito sa posible nilang isagawa kung maisabatas na ang pagpapaliban ng BSKE.
Pagbibigay-diin ni Garcia, kadalasan ay aabot sa 15 araw bago maging ganap na batas ang panukala at ilalabas pa ito sa pahayagan.
Dahil dito aniya, sasamantalahin nila ang pagkakataon para sa posibilidad na iurong pa ang petsa ng paghahain ng COC. Hinihintay na lamang aniya nila ang magiging desisyon ng Kongreso kung ipagpapaliban muna ang BSKE na dating itinakda sa Disyembre 5, 2022.
“Amin po ngayon ay pinag-iisipan na baka puwede kaming makapag-adjust ng date ng filing ng certificates of candidacy, tutal naman, halos 60 araw ang ibibigay namin na campaign period. Napakahaba po no’n. Dati-rati, 30 araw lang ang campaign period,” aniya.
Matatandaang inihayag ng Comelec na mangangailangan pa sila ng₱17 bilyonkung ipo-postpone ang eleksyon ngayong taon at maisasagawa sa Disyembre 2023.