Lumalakas pa rin ang super typhoon 'Henry' sa bahagi ng Philippine Sea, ayon sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.

Sinabi ng PAGASA, huling namataan ang bagyo 530 kilometro sa silangan hilagang silangan ng Itbayat, Batanes, dala ang malakas na hanging 185 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong 230 kph.

Kumikilos ang bagyo pa-timog kanluran sa bilis na 25 kph.

Inaasahang paiigtingin nito ang southwest monsoon o habagat na magpapaulan sa kanlurang Luzon sa Biyernes.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Pinag-iingat ng PAGASA ang publiko dahil aabot sa 340 kilometro ang lawak ng malakas na hanging dala ng bagyo mula sa sentro nito.

"In the next 24 hours, Henry may bring moderate to rough seas over the eastern seaboard of Isabela (1.2 to 4.0 m). These conditions may be risky for those using small seacrafts. Mariners are advised to take precautionary measures when venturing out to sea and, if possible, avoid navigating in these conditions," ayon sa PAGASA.

Sa pagtaya ng PAGASA, mananatili ang galaw ng bagyo nitong Huwebes ng gabi o Biyernes ng madaling araw.

Gayunman, inaasahang bibilis ang bagyo sa Sabado bago lalabas ng bansa sa Sabado ng gabi.

Kaugnay nito, lumalakas pa rin ang bagyong 'Gardo' habang kumikilos pa-hilagang kanluran sa dulong Northern Luzon.

Huling namataan ang bagyo 885 kilometers sa silangan hilagang silangan ng dulong Northern Luzon, taglay ang hanging 55 kph.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 45 kph.

Sa pagtaya ng PAGASA, magiging low pressure area na lamang ang bagyo sa susunod na 12 oras.