May 22, 2026

Home BALITA National

SILG Remulla, nakipag-areglo na sa lalaking hubad na natiketan sa Mandaluyong

SILG Remulla, nakipag-areglo na sa lalaking hubad na natiketan sa Mandaluyong
Photo courtesy: ABS-CBN News (X), File Photo

Personal nang pinuntahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang lalaking hubad habang naghahalo ng semento at natiketan sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City. 

Matatandaang nagawa munang humingi ng dispensa at mangako sa publiko ni Remulla noong Lunes, Abril 13, 2026, na personal siyang pupunta sa tahanan ng naging kontrobersyal na natiketang lalaki para humingi ng tawad at makipag-areglo. 

“Ako po’y humihingi ng paumanhin at pupuntahan ko po siya sa mga susunod na araw. Sasabihin ko na ako na po ang hihingi ng paumanhin. It was my fault that I did not give clearer instructions on how to do the Safer Cities Initiative. Nagkulang po ako doon,” saad ni Remulla. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Mali kami roon!' SILG Remulla, nag-sorry sa hubad na lalaking natiketan sa Mandaluyong

Ayon naman sa inilabas na video ng ABS-CBN News nitong Miyerkules, Abril 15, mapapanood na personal nang magkasama at magkatabi pa sa silya sina Remulla at ang lalaking natiketan kamakailan ng mga awtoridad. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Dispensa ni Remulla, kasalanan daw niya ang sinapit ng lalaki dahil hindi niya nalinaw nang maayos ang mga patakaran ng isinusulong nilang Safer Cities Initiative.

“Kasalanan ko kasi yan kasi hindi ko naklaro sa kanila kung ano talaga ang mga patakaran. Syempre alam ko naman na ang nagtatrabaho dito, mainit [at] magtatanggal ka talaga ng t-shirt,” pagsisimula niya. 

Depensa ni Remulla, masyado lang daw na ganado ang mga pulis sa pagsusulong ng kanilang inisyatiba at pinaalalahanan na niya ang mga ito na huwag magpadalos-dalos sa mga indibidwal na kanilang sisitahin. 

“Syempre ganado ang mga bata natin, e. Ganado masyado kaya sabi ko, ‘Easy muna,’” aniya. 

Dagdag pa niya, “Dala ‘yan ng mga pulis na gusto talagang i-push ‘yong patakaran namin. Kasi lalo na dito sa lugar n’yo, maraming nagkakasakitan dito, ‘di ba? Kaya dito, pinipilit namin na walang inuman, ‘yong mga bata [ay] pinapauwi namin nang maaga, para naman sa lahat ‘yan, e.” 

Matapos nito, nagawa namang sumagot ng asawa ng lalaki na si Ginang Norietta Lanquino na kamakailan ding nag-viral sa social media dahil sa pagdepensa ng huli sa natiketan niyang mister.

Ani Aling Norietta, “Hindi naman po kami against talaga doon. Nag-react lang po talaga ako kasi… kumbaga dapat po warning talaga, ‘di ba? Ticket po kasi agad.” 

Tugon naman ni Remulla, “Dala ng ano ‘yan, dala ng ganado lang. Pero hindi naman personal ‘yon. Hindi ka naman kilala ng mga ‘yon, ‘di ba?” 

Pagpapatuloy ni Remulla, para naman daw sa lahat ang isinusulong nilang inisyatiba at dapat daw na mapansin ng mga residente sa nasabing barangay na tila naging tahimik na sa kanilang lugar. 

“Pero para sa lahat talaga ‘yan. Wala ba kayong napansin, tumahimik na ang barangay ninyo? Umunti na ang gulo rito, ‘di ba? Mga bata, umuuwi na nang maaga, wala nang nag-iinom sa kalye. Doon nag-uumpisa ang lahat, e,” ‘ika niya. 

“Basta nagtatrabaho, puwede. Pero ‘yong mga tambay na nalabas lang diyan, bawal ‘yun,” pagtitiyak at pagtatapos pa ni Remulla. 

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga ikinasang pagbabawal ng DILG sa mga lansangan at lokalidad

KAUGNAY NA BALITA: 'Magbihis naman kayo!' DILG, huhulihin na mga lalaking hubad sa kalye