Muling isinulong ni Senador Sonny Angara ang kanyang panawagan para sa lifetime validity ng persons with disability (PWD) identification cards (ID), at ipinuntong hindi kailangan ang maya't mayang pagsusuri sa mga may kapansanan.
Ang apela ni Angara ay ilalapat lalo na sa mga may permanenteng kapansanan, tulad ng physical impairment o impaired mobility, dahil aniya ang common sense ay nagdidikta na hindi nila kailangang patunayan ang kanilang kapansanan sa pamamagitan ng pag-renew ng kanilang mga ID.
“Matagal na natin tinutulak na gawing panghabangbuhay ang bisa ng PWD IDs, partikular sa mga may kapansanan na permanente. Hindi naman na kinakailangan pang suriin pa ang kalagayan nila kada ilang taon para lang i-renew ang kanilang mga ID,” ani Angara.
Sa kasalukuyan, ang mga PWD ay kinakailangang mag-renew ng kanilang mga PWD ID kada limang taon, batay sa mga alituntunin na itinakda sa ilalim ng National Council on Disability Affairs Administrative Order No. 001 series of 2021.
Ang proseso ay isang pabigat para sa mga PWD na may mga mobility issue dahil kailangan nilang personal na humarap sa mga nagre-renew na opisina upang isumite ang kanilang mga dokumento at suriin, sabi ni Angara.
Kaya't muling inihain ni Angara ang kanyang panukalang batas sa 19th Congress, na naglalayong bigyan ng lifetime validity ang PWD IDs ng parehong PWDs na may permanenteng kapansanan at senior PWDs.
“It doesn’t help that many government offices and facilities, including public transportation, remain non-PWD friendly in spite of our many laws that require them to be accessible to PWDs,” anang senador.
Joseph Pedrajas
Sa ilalim ng panukalang batas, ang NCDA, sa konsultasyon sa mga nauugnay na stakeholder, ay itatalagang maglabas ng listahan ng mga kapansanan na itinuturing na permanente sa loob ng 60 araw mula sa bisa ng batas.
Ang isang PWD ID, na nagsisilbing karaniwang pambansang ID para sa mga PWD, ay dapat na maging batayan para sa karapatan ng mga pribilehiyong ipinagkaloob sa ilalim ng Magna Carta para sa mga PWD.