Nakapagtala pa ang Pilipinas ng 890 bagong karagdagang kaso ng Omicron subvariant BA.5 sa bansa.

Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, iniulat ni Department of Health (DOH) alternate spokesperson Undersecretary Beverly Ho na base sa pinakahuling genome results na isinagawa mula Hulyo 22 hanggang 26, halos lahat ng rehiyon sa bansa ay nakitaan na ng BA.5 variant maliban sa Region 12 at sa Bangsamoro region.

Sa 890 bagong kaso ng BA.5, 232 ang mula sa National Capital Region, 252 ang mula sa Western Visayas, 136 ang mula sa Calabarzon, 63 ang mula sa Cordillera Administrative Region,  59 ang mula sa Cagayan Valley, 46 ang mula sa Central Luzon, 37 ang mula sa Mimaropa, 29 ang mula sa Ilocos Region, 13 ang mula sa Bicol Region, tig-lima ang mula sa Central Visayas at Zamboanga Peninsula, at tig-isa ang naitala sa Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, at Caraga.

Kabilang umano sa mga bagong kaso ng BA.5 ang siyam na returning overseas Filipinos (ROFs).

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Sa kabuuan, ang BA.5 cases sa bansa ay nasa 1,997 na ngayon.

Ayon kay Ho, 823 naman sa mga naturang bagong kaso ay nakarekober na mula sa karamdaman, 31 pa ang naka-isolate habang hindi pa batid ang estado ng iba pa.

Sa mga ito, 650 pasyente ang fully vaccinated na, 18 ang partially vaccinated, habang hindi pa batid ang vaccination status ng 222 pa.

Bineberipika pa rin ng DOH ang dates of exposure, travel histories, at health status ng mga ito.

Samantala, sa naturan pa ring latest genome sequencing, nakapagtala rin ang DOH ng 18 pang Omicron BA.4 subvariant cases sa bansa.

Sa naturang bilang, pito ang mula sa NCR, anim ang mula sa Bicol Region, dalawa ang mula sa CAR, at tig-isa ang mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Calabarzon.

Sa ngayon, mayroon nang kabuuang 71 BA.4 cases ang naitala sa Pilipinas.

Nabatid na 17 ang 18 indibidwal ay ikinukonsidera nang recovered, habang ang isa pa ay nananatiling naka-isolate.

Ang 13 sa kanila ay fully vaccinated na habang inaalam pa ang vaccination status ng natitirang iba pa.

Bineberipika pa rin ng DOH ang dates of exposure, travel histories, at health status ng mga ito.

Sa kabilang dako, sinabi ni Ho na nakapagtala rin ang DOH ng 15 pang karagdagang BA.2.12.1 cases sa bansa, sanhi upang umabot na ang kabuuang bilang ng sakit sa 154.

Sa mga bagong kaso, lima ang mula sa NCR, apat ang mula sa CAR, tatlo ang mula sa Calabarzon, at tig-isa ang mula sa Ilocos Region at Mimaropa. Mayroon ring isang ROF na nagpositibo sa naturang Omicron subvariant.

Nabatid na 14 sa mga ito ang nakarekober na habang under isolation pa rin ang iba pang pasyente.

Walo umano sa kanila ang fully vaccinated na, isa ang partially vaccinated, habang hindi pa batid ang vaccination status ng iba pa.

Anang DOH, hindi pa rin nila batid ang exposure, travel histories, at health status ng mga ito.