Plano ng Office of the Vice President (OVP) na magbukas pa ng karagdagang satellite offices sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, gayundin ng livelihood program para sa mga mamamayan.

Sa isang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni OVP Spokesperson Reynold Munsayac na layunin nitong maging mas accessible ang kanilang mga serbisyo at programa sa mga mamamayan.

“The OVP intends to open additional satellite offices to expand the reach of its social services, programs to more marginalized communities,” ani Munsayac.

Matatandaang una nang nagbukas ng satellite offices ang OVP sa mga lungsod ng Dagupan, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Davao, at Tandag sa Surigao del Sur.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang headquarters naman nito ay inilipat sa isang office building sa Mandaluyong City.

Tuloy pa rin aniya ang plano ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na maghanap ng lugar na magiging permanenteng tanggapan ng OVP.

Samantala, sinabi rin ni Munsayac na maglulunsad ang OVP ng livelihood program na tinatawag na "Mag Negosyo Ta 'Day."

Nabatid na ang natrang programa ay una nang inilunsad ni Duterte sa Davao City noon siya pa ang alkalde doon.

“The program aims to provide inclusive financial empowerment to women and members of the LGBTQ sectors,” ani Munsayac.

Ang mga kuwalipikado aniyang benepisyaryo ay pagkakalooban ng tig-P20,000 kapital at sasailalim sa business management training.

Sinabi rin naman ni Munsayac na pinag-aaralan pa nito ang iba pang pangunahing social services na maaari nitong ipagkaloob sa publiko, bukod pa sa kasalukuyang ibinibigay nitong medical at burial assistance sa mga mamamayan.