TOKYO - Naitala na ng Japan ang unang kaso ng monkeypox virus, ayon sa ulat ng isang Japanese television station nitong Lunes.
Naiulat na isang lalaking mahigit sa 30 taong gulang at taga-Tokyo ang nahawaan ng virus.
Matatandaang inihayag ng World Health Organization (WHO) nitong Sabado na mabilis na lumaganap ang naturang virus sa buong mundo.
Sa pinakahuling ulat ng WHO, mahigit na sa 16,000 kaso ng monkeypox ang natukoy sa lagpas 75 bansa, bukod pa ang limang naiulat na binawian ng buhay sa Africa.
Kinumpirma naman ng Thailand ang una nilang kaso ng sakit na humawa sa isang lalaki nitong nakaraang linggo.
Tumakas ang nasabing lalaki patungong Cambodia kung saan ito naospital.
Naihahawa ang sakit sa pamamagitan ng nakasalamuha at kabilang sa sintomas nito ang pagkakaroon ng lagnat at bulutong, sakit ng tiyan, pananakit ng ulo't kalamnan, at pagkapagod.