Gayak na gayak ang isang buwaya at binihisan pa ito ng puting wedding gown habang mala-piyesta na ipinagdiwang ng buong komunidad ang pakikipag-isang dibdib nito sa isang alkalde sa bansang Mexico.
Sa ulat ng Reuters, Hulyo 1, ang pagpapakasal ni Mayor Victor Hugo Sosa ng San Pedro Huamelula, Oaxaca sa pitong taong-gulang na buwaya ay bahagi ng matandang tradisyon upang humiling ng kaganahan sa kalikasan.
“We ask nature for enough rain, for enough food, that we have fish in the river," pagbabahagi ni Sosa sa hiling nito matapos sumailalim sa seremonya alinsunod sa sinaunang kaugalian ng mga komunidad ng katutubong Chontal at Huave sa Oaxaca.
Sa maikling video ng Reuters, makikitang isinayaw, at hinalikan din ng groom ang buwaya na para bang karaniwang mga tagpong makikita sa bagong kasal sa pagitan ng dalawang taong mag-irog.
Sa parehong ulat, masaya ang mga tumayong ninang at organisador ng kasalan at tinawag pa itong isang “magandang tradisyon.”