Posibleng maharap sa kaso sa Office of the Ombudsman si Cebu Governor Gwen Garcia kung magkaroon ng pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa lalawigan, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes ng gabi.

Ito ay tugon ni DILG Secretary Eduardo Año at sabing walang legal na batayan ang bagong executive order ni Garcia na nag-aalis sa kautusang paggamit ng face mask sa pampublikong lugar.

Wala rin aniyang umiiral na national policy na sumusuporta sa kautusan ni Garcia na nagsasaad na maaari lamang mag-face mask sa loob ng air-conditioned areas at kulong na lugar.

"'Yung executive order na in-issue ni Governor Gwen Garcia is considered to be defective kasi it does not have any legal basis. It does not implement or interpret an existing national law, or even a provincial ordinance. Contradictory din ito sa national government issuances, like ng mga executive order, (EO) 1218, placing the country under a state of calamity from September 13, 2021 to September 12, 2022, and also contrary sa guidelines ng nationwide implementation ng Alert Level System for COVID-19 Response," paliwanag ng opisyal sa panayam sa telebisyon.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

"Kailangan kasi ang isang executive order, mayroong legal basis na pinanggagalingan. Kung nagkaroon ng national policy, issuance ang government, existing law, pwede mong gagawing executive order 'yan. Hindi pwedeng naisip mo lang, gusto mo lang baguhin, executive order ko na 'yan. So kailangan talaga ang isang executive order ay consistent sa batas, sa national rules, sa regulations, sa policy. Hindi puwedeng gusto mo lang," anito.

Hindi rin aniya maaring gamitin ang Local Government Code sa sitwasyon.

"Hindi pupwede na sabihin mo, ah sabi sa Local Government Code, autonomous kami. 'Di nag-kanya-kanyang republic na 'yung ating mga probinsya at mga city. That was not the intent of the Constitution and the law," pagdidiin ng kalihim.

Paniniyak pa ng opisyal, maaaring ireklamo si Garcia sa Ombudsman na posibleng maglabas ng suspensyon laban sa kanya kung ang kautusan nito ay magreresulta sa paglobo ng bilang ng sakit.