Mahigit sa 933,000 depektibo at roadshow ballots at iba pang accountable forms ang sinimulan nang sirain ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.

Mismong si Comelec Commissioner George Garcia ang nanguna sa pagsira ng 933,311 ballota, kabilang dito ang 586,988 official ballots.

Nabatid na kabilang sa mga sinira ay ang mga roadshow ballots o yaong mga balota na ginamit sa isinagawang testing ng mga vote-counting machines (VCMs) na gagamitin sa halalan.

Sinira rin ang mga official ballots na may iba’t ibang depekto, gaya nang pagkakaroon ng dumi, mali ang kulay, mali ang sukat, mali ang tabas at iba pa.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Inilagay ang mga balota sa industrial cutting machines at itatapon ang mga ito matapos ang halalan sa Lunes, Mayo 9.

Nabatid na ang aktibidad ay isasagawa araw-araw mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi hanggang sa susunod na linggo.

Kabilang din sa sumaksi sa pagsira sa mga balota ay sina acting spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, Comelec printing committee vice chair Helen Aguila-Flores, at mga kinatawan ng mga Partido political at mga citizens’ groups, mga miyembro ng media, at iba pang stakeholders.

Matatandaang ang ballot printing ay isinagawa ng Comelec mula Enero 22 hanggang Abril 4, kung kailan, kabuuang 67,442,660 official ballots ang naimprenta.

Mary Ann Santiago