Nadakip na ng mga otoridad sa Tarlac City nitong Lunes, ang lalaking itinuturong suspek sa pagmasaker sa isang ginang, kanyang anak at pamangkin, sa loob ng kanilang tahanan sa Cainta, Rizal kamakailan.

Basahin:https://balita.net.ph/2022/04/07/ginang-anak-at-pamangkin-natagpuang-patay-sa-loob-ng-kanilang-tahanan/

Ang suspek na kinilalang si Vergel Navalta, ay nakapiit na ngayon sa Cainta PNP at sasampahan ng mga kasong pagnanakaw at tatlong bilang ng kasong pagpatay sa piskalya.

Batay sa ulat, nabatid na dakong alas-2:00 ng madaling araw ng Abril 11 nang maaresto ang suspek sa hideout nito sa Brgy. Camposanto 1 Sur, Moncada, Tarlac City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakatanggap umano ng tip ang mga otoridad hinggil sa kinaroroonan ng suspek kaya’t kaagad siyang inaresto ng mga tauhan ng Cainta Municipal Police Station (MPS), Intelligence Unit ng Rizal Police Provincial Office (PPO) at Provincial Intelligence Team ng Tarlac PPO, sa bisa ng warrant of arrest sa kasong simple theft, na inisyu ni Presiding Judge Hermogenes Fernandez ng Regional Trial Court Branch 56, San Carlos City, Pangasinan noong Enero 15, 2014.

Ayon kay Cainta MPS chief, PLTCOL Orlando Carag, pagnanakaw ang tinitingnan nilang motibo sa pagpatay ng suspek noong madaling araw ng Abril 6 sa mga biktimang sina Angelica Manaloto, 24, at kanyang anak na si Nicagel Mangi, 4, at pamangkin na si Renz Orly Trinidad, 7, sa loob ng inuupahan nilang apartment sa San Francisco, Brgy. San Juan, Cainta, Rizal.

Pinasok umano ng suspek ang tahanan ng mga biktima sa kahimbingan ng tulog ng mga ito, ngunit nang makuha ang mga gadgets at pera ng mga ito ay nagising si Angelica at nagsisigaw kaya’t sinaksak niya ito.

Dahil sa komosyon ay nagising rin aniya ang dalawang bata kaya’t natuliro na ang suspek at pinatay na rin maging ang mga ito.

Sinabi ni Carag na nang matukoy nila ang pagkakakilanlan ng suspek ay kaagad na silang nagsagawa ng operasyon upang maaresto ito.

Ayon naman kay Police Regional Office (PRO) 4-A Director PBGEN Antonio Yarra, positibo na ring kinilala ng mga kapitbahay ng mga biktima ang suspek dahil tumira din umano ito sa kabilang apartment nang pumisan ito sa pinsan nito.

Narekober na rin umano ng pulisya sa pinagtaguang bahay, ang duguang damit na ginamit ng suspek nang isagawa nito ang krimen, gayundin ang 10 pulgadang haba ng patalim na may mga marka pa ng dugo at pinaniniwalaang ginamit nito sa pagpatay sa mga biktima.

Ani Carag, lumitaw rin sa imbestigasyon nila na marami nang kinakaharap na kasong kriminal ang suspek, simula pa noong taong 2013.

Bukod aniya sa simple theft, nahaharap rin ito sa kasong gunrunning, pagpatay sa Bacoor, Cavite noong Pebrero 2022 lamang, at Rape sa menor de edad noong Pebrero 6, 2015 naman.

Samantala ipinag-utos naman ni Yarra kay Carag, na ihanda na ang mga kaukulang kaso laban sa suspek upang matiyak na mapaparusahan ito ng batas at makakamit ng mga biktima ang hustisya.

“Let us leave no stone unturned in this case. The victims were killed helplessly, let justice be served!,” aniya.