Wala umanong nakikitang ‘significant uptick’ o pagtaas ng mga bagong Covid-19 cases sa bansa, ayon saDepartment of Health (DOH).

Ang pahayag ay ginawa ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang panayam sa teleradyo nitong Huwebes.

Aniya, may ilang lugar ang nakitaan ng pagtaas ng mga kaso gayunman, maliit na bilang lamang ito.

Tiniyak din niya na masusi nilang mino-monitor ang sitwasyon at kaagad na ipapaalam sa publiko sakaling may makita silang significant na pagtaas ng mga kaso ng sakit.

“Nakakakita ho tayo ng mga ibang areas sa ngayon kung saan meron hong mga pagtaas ‘yung one-week growth rate nila. Pero kapag binusisi po natin ‘yung numero nitong pagtaas, ito po ay maliit lang kaya lang apektado nga dahil sa populasyon nila. Wala pa ho tayo nakikita na significant na uptick ng number of cases sa iba’t ibang lugar. We are closely monitoring the situation and we will give information to the public kung sakali pong makita po natin itong significant na pagtaas,” aniya pa.

Sinabi rin ni Vergeire na sa ngayon ay patuloy ang pagbaba ng arawang kaso ng sakit sa Pilipinas.

Ang average cases ng sakit sa buong bansa ay nasa 490 na lamang habang 150 naman sa Metro Manila.