Nanawagan sa publiko ang isang opisyal ng Department of Finance (DOF) na magtipid na muna sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Pinayuhan ni Finance DOF Assistant Secretary Paola Alvarez ang publiko na gawin ang kaukulang pagtitipid dahil sa nasabing sitwasyon.

Dapat aniya ay magtulungan ang bawat isa lalo na’t nakagiya na sana ang bansa sa economic recovery.

"Ang nararanasan sa kasalukuyan ay isang global crisis at ang kailangan dito ay ang pakikipag-usap sa isa’t isa upang maunawaan ang sitwasyon at maisagawa ang kailangang mga hakbang," pahayag ni Alvarez.

Gayunman, kumpiyansa ang pamahalaan na pansamantala lamang ang nangyayaring krisis at malalampasan din ito sa pamamagitan ng partisipasyon ng bawat isa at paghihigpit muna ng sinturon.

Matatandaan iminungkahi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na buhayin muna ang pagbibisikleta para makatipid sa sumisirit na halaga ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.