Malaking bagay ang pagdagsa ng mga fans sa pagkapanalo ng Ginebra kontra Terrafirma Dyip, 112-107, sa PBA Season 46 Governors' Cup sa Ynares Center sa Antipolo City nitong Linggo ng gabi.
“If this has been a bubble game, we don’t win. But with the fans, we got a chance,” paglalahad ni Gin Kings coach Tim Cone.
Malaking tulong aniya sa kanilang pagkapanalo si Scottie Thompson na ginawa ang lahat ng paraan upang mahabol ang 22 puntos na abante ng Dyip sa kaagahan ng laro.
Ipinamalas ni Thompson ang kanyang triple-double matapos humakot ng 20 puntos, 13 rebounds, at 11 assists.
Nakinabang sa mga assists ni Thompson sina Justin Brownlee, Christian Standhardinger, at Japeth Aguilar kung saan kumamada sila ng kabuuang 74 puntos.
“He was everywhere and doing everything. He was the one guy who didn’t have any quit in him. He kept fighting and fighting and it became contagious to the team and it became contagious to the fans. He willed us to this win,” ayon kay Cone.
“Naunahan kami nung first half pero pinakita namin ‘yung never-say-die spirit namin. First time namin makita uli ‘yung mga Ginebra fans dito so kailangan naming sipagan sa second half para bigyan sila ng magandang laro,” paliwanag naman ni Thompson.