Isang lalaki ang ganap na umanong “effectively cured” sa sakit na Human immunodeficiency virus (HIV) matapos ang pagsaklolo umano ng kaniyang nakatatandang kapatid.
Ayon sa mga ulat, kinilala ang lalaki bilang si “Oslo patient,” 63-anyos mula sa bansang Norway, na gumaling umano sa HIV matapos makatanggap ng stem cell transplant mula sa kaniyang kuya—na napag-alamang nagdadala ng “rare virus-blocking genetic mutation.”
Si Oslo patient ay positively-diagnosed ng HIV mula pa noong 2006, na isa sa 10 katao sa mundo na dumaan sa isang “long-term remission” kontra HIV.
Base pa sa mga ulat, na-diagnose daw si Oslo patient sa sakit na myelodysplastic syndrome noong 2017, isang nakamamatay na kanser sa dugo.
Sa gitna ng kanilang paghahanap ng donor ng dugo, wala silang matagpuan—hanggang sa napagdesisyunan na lamang nila na ang kuya na lang ng pasyente ang magsilbing donor.
Noong 2020, nang ikakasa na ang operasyon, nagulantang ang mga doktor nang malamang mayroong CCR5 mutation ang kuya ng pasyente—na may kakayahang pigilan ang HIV na makapasok sa body cells ng tao.
Matapos ang matagumpay na transplant, tumigil na umano ang pasyente sa pag-inom ng anti-retroviral drugs, at tuluyan nang bumaba ang lebel ng HIV sa kaniyang katawan.
Sinuri din siya at wala na umanong trace ng virus sa dugo, gut, at bone marrow ni Oslo patient.
Pag-amin ng pasyente, ang nangyari sa kaniya ay tila pagkapanalo sa lotto nang dalawang beses.