Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Ukraine na makipag-ugnayan o magparamdam sa kanila upang matulungang mapauwi sa bansa sa gitna ng paglusob ng mga sundalo ng Russia sa nabanggit na bansa.

Sa report na natanggap ng DFA, nasa lansangan na ang aabot sa 37 na Pinoy patungong Lviv sa kanlurang Ukraine para na rin sa kanilang kaligtasan.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DFA Undersecretary for migrants workers affairs Sarah Lou Arriola, ang mga nasabing OFWs ay kaagad na ire-repatriate sa bansa sa sandaling makarating sa Lviv na may 70 kilometrong layo mula sa border ng Poland.

Aniya, sarado na ang mga airport sa Ukraine kaya byland na ang ginagawa nilang paglilikas sa pamamagitan ng border ng Poland.

Sa kasalukuyan ay anim pa lamang ang nakauwi sa Pilipinas mula Ukraine.

Ipinaliwanag ni Arriola, nasa 181 ang nailista nilang Pinoy na nagtatrabaho sa Ukraine sa kabila ng sinasabing higit 300 Pinoy ang nasa Ukraine.

Iginiit pa nito, mahalagang makipag-ugnayan ang mga ito sa embahada o sa honorary consul para sa agarang tulong.