Naglabas na ng pahayag ang doctor-turned-politician na si Doc Willie Ong tungkol sa isyung mix and match ng presidente at bise presidente. 

Sa isang video na inupload sa kanyang Facebook page, unang tinalakay ng vice presidential aspirant ang kanyang naunang pahayag na “nasaktan” siya noong pinapareha sa ibang vice presidential bet ang kanyang running mate na si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

“Sa akin kasi mahaba ang pagtitiis ko eh. Wala akong pera. Wala akong pangalan. Pero I just follow the Bible. Magaling ako magtiis eh," ani Ong sa kanyang panayam noong nakaraang buwan sa isang mamamahayag na ngayon pa lamang umano inilabas.

"So nung ginawa nila yun, syempre na-hurt ako. Masakit yun eh. Pero hindi ko na iniisip eh, bahala na yung tao. Wala naman akong kasalanan,. I'll just do it straight," dagdag pa niya.

Gayunman, nagpapasalamat siya kay Domagoso na siya ang kinuhang ka-tandem nito.

“Salamat kay Mayor Isko pinili niya ako, nakatakbo tayo bilang vice president pero ngayon na sa akin na yung bola eh. So tuluy-tuloy tayo hanggang May 9, walang atrasan ‘to,” pahayag ni Ong nitong Lunes, Pebrero 21.

Sinabi rin niya na kailangan niyang manalo kasi kailangan niyang maibigay yung tulong sa mga mahihirap, sa gamutan, at sa pagkain.

Hindi na raw niya kailangan magtapang-tapangan dahil 27 taon na siyang tumutulong nang libre.

Wala rin siyang umanong galit sa kanyang puso.

“Wala akong galit sa puso ko kasi hindi siya makakatulong eh,” ani vice presidential aspirant.

“Sa politika, away-away eh. ‘Pag pinasok mo yung galit sa puso mo, doon na masisira yung kamada. Maiiba na yung focus mo. Ang focus natin yung mahihirap, yung nagugutom, at walang kamalay-malay sa issue,” dagdag pa niya.

Gayunman, humingi ng tulong sa publiko si Ong kanyang mga followers na suportahan siya sa darating eleksyon.

Matatandaan na nitong Linggo, Pebrero 20, nagtungo si Domagoso sa Maguindanao.

Sumama ang grupo ni Domagoso sa motorcade at dumalo sa isang kaganapan na inorganisa ng mga Mangudadatu na pinangungunahan ni Rep. Esmael "Toto" Mangudadatu.

Isinusulong ng mga Mangudadatu ang Isko-Sara tandem dahil naniniwala silang ipagpapatuloy nito ang naumpisahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Basahin:https://balita.net.ph/2022/02/20/ka-issa-mga-mangudadatu-isinusulong-ang-isko-sara-tandem-sa-maguindanao/" target="_blank">https://balita.net.ph/2022/02/20/ka-issa-mga-mangudadatu-isinusulong-ang-isko-sara-tandem-sa-maguindanao/