Katulad sa iba pa niyang naunang campaign rallies, paulit-ulit na binanggit ni presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang tungkol sa "pagkakaisa" sa kanyang talumpati nitong Lunes ngunit hindi pa rin nito idinetalye kung paano nito maisusulong ang nais na pagbangon ng bansa.
Bagama’t malabo pa rin, iniugnay ni Marcos Jr. ang pagkakaisa sa tagumpay nang sabihin niyang likas na matulungin ang mga Pilipino kaya’t hindi nila hahayaang dumanas ng kahirapan ang kanilang kapwa.
“‘Pag may nakitang kapwa Pilipino na naghihingalo ay ibibigay ang kanyang kamay para makapag dulot ng kaunting ginhawa sa kanyang kapwa Pilipino. ‘Yan po ang kulturang Pinoy. ‘Yan po ang katangian ng mga Pilipino,” sabi ni BBM sa kanyang talumpati sa Amoranto Stadium.
“Ito ang ating layunin para sa ating bansa—itong pagkakaisa. At kapagka ito’y nagawa natin, pag ito’y napagtuloy natin. Itong kilusan ng pagkakaisa, ay papasikatin natin muli ang Pilipinas. Papagandahin nanaman natin muli ang Pilipinas at haharap nanaman tayo sa buong mundo,” dagdag niya.
Binanggit din niya ang pangangailangang palakasin ang industriya ng agrikultura, turismo at imprastraktura gayundin ang internet connectivity sa bansa—na siya rin ang binanggit niya sa mga nakaraang panayam at talumpati, kabilang ang sa Philippine Arena, Tuguegarao sa Cagayan at Valenzuela City.
Fontrunner candidate sa kamakailang mga presidential survey, binanggit niya ng 17 beses ang salitang pagkakaisa o “unity” at iba pang kaugnay na salita nito sa kanyang talumpati noong Lunes na tumagal ng halos 12 minuto.
Muling idiniin ni Marcos Jr. na mula sa hilagang bahagi ng bansa ang kanyang pakikipag-alyansa kay vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na mula sa Mindanao, bilang simbolo ng pagkakaisa.
“Dalawang nanggaling sa magkabilang dako ng Pilipinas ay nagkaisa, nagsama upang tulungan ang Pilipinas. Siguro naman ang lahat ng Pilipino ay kaya nating ipagsama-sama at ipagkaisa,” aniya.
Sinabi ni Marcos Jr. na nagpasya siyang tumakbo sa pagkapangulo matapos ang "bulong" na panawagan para sa pagkakaisa.
“Habang tumagal ang panahon sa nakaraang ilang linggo, sa nakaraang ilang buwan ay yung bulong na yan ay dahan dahang lumalakas at nagiging sigaw na sinasabi ng ating mga kababayan kasama ako dyan sa pagkikilos ng pagkakaisa, kasama ako dyan sa pagpaganda ng Pilipinas, kasama ako dyan sa pagtulong sa aking kapwa Pilipino,” sabi ng dating senador.
Pinangunahan ni mayoral aspirant Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor, na nahuhuli sa re-electionist na si Mayor Joy Belmonte sa mga lokal na survey, ang campaign rally ni Marcos Jr sa Quezon City.
Joseph Pedrajas