Naurong sa buwan ng Marso ang debate ng national candidates para sa May 9, 2022 elections na ikinakasa ng Commission on Elections (Comelec).

Ang naturang debate ay isasagawa sana ngayong buwan ngunit malaunan ay inilipat ito sa susunod na buwan dahil patuloy pa umano ang paghahanda para dito ng poll body.

Ayon kay Comelec Director Elaiza David, an ongoing pa ang proseso dito at mayroon pa silang mga guidelines na pinapaaprubahan sa Comelec en banc.

“Hopefully this week, ma-approve na po sila,” aniya, sa Laging Handa public briefing.

Tiniyak naman niya na tuluy-tuloy ang debate at maaantala lamang ito ng kaunti.

“Tuloy na po ‘yan, although baka medyo maantala, kaunti lang po, ‘yung sa first debate natin. Kung last week of February po siya dati baka maging mga first week of March na muna po siya,” aniya pa.

Nabatid na dahil sa pandemya ng COVID-19, magdaraos na lamang ang Comelec ng ‘hybrid debate’ kung saan ang mga kandidato ay maghaharap-harap ngunit ang mga audience ay virtual lamang makakapanood.

Anang Comelec, mayroon silang tatlong presidential debates at tatlong vice-presidential debates. Mary Ann Santiago