Inaasahang babalik na sa aksyon ang Philippine Basketball Association(PBA) Governors' Cup na itinigil noong nakaraang taon dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 sa bansa.
Sa pahayag ni PBA Commissioner Willie Marcial, itinakda nila sa Pebrero 11 ang pagpapatuloy ng mga laro.
Ipinasya ng liga na ituloy ang aksyon matapos magdesisyon ang gobyerno na luwagan ang ipinaiiral na quarantine protocols sa Metro Manila simula Pebrero 1 ng taon.
Aniya, maaari nang bumalik sa ensayo ang mga koponan sa naturang petsa.
Gayunman, nilinaw ni Marcial na hindi muna nilang papayagan ang mga fans na makapasok sa mga lugar kung saan idinadaos ang laro.
Nitong unang linggo ng Enero, ipinasyang itigil muna ang mga nakatakdang laro matapos isailalim sa Alert Level 3 ang Metro Manila at iba pang karatig-lalawigan dahil sa biglang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases.