Tuluy na tuloy na ang pagbabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga batang 5-11-anyos.
Ito ang paglilinaw ni National Task Force Against Covid 19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr., at sinabing gagamitin ang 24 na vaccination sites sa Metro Manila.
Binubuo ang vaccination sites ng mga itinalagang hospital at non-hospital based facilities sa naturangrehiyon.
Aniya, inirekomenda ng Philippine Medical Association na mailagay ang vaccination day sa naturang age group sa weekend dahil nakikita nilang nagtatrabaho ang mga magulang ng mga bata tuwing weekdays.
Plano naman ng Task Force na agad na palawigin sa mga karatig na rehiyon ang pagbabakuna sa mga batang may edad na lima hanggang sa 11 anyos sa oras na matapos na ito sa Metro Manila.
Aabot sa walong milyong bata na may edad 5 hanggang 11 ang target ng gobyerno na mabakunahan kontra COVID-19.
Binanggit naman ni Dr. Ted Hermosa, special adviser ng NTF Against Covid 19, sa ikalawa ng Pebrero ay nakatakdang dumating ang 78,000 doses ng bakuna na gagamitin sa naturang age group.
Bukod pa aniya ang karagdagang 1.6 milyong doses na darating sa Pebrero 7.
Beth Camia