Klasipikado na ngayon ang National Capital Region (NCR) bilang ‘high risk’ sa COVID-19, base na rin sa indicators ng Covidactnow.org, na ginagamit ng independent monitoring group na OCTA Research.

Binanggit ni OCTA fellow Dr. Guido David, ang naturang bagong klasipikasyon ay isang magandang pagbabago mula sa dating ‘severe outbreak’ classification ng NCR noong nakaraang linggo.

Kung magpapatuloy aniya ang kasalukuyang downward trend ay maibababa pa sa ‘moderate risk’ classification ang rehiyon.

“NCR now at high risk (last week, it was classified with a severe outbreak),” ani David sa kanyang Twitter account.

Eleksyon

Maja Salvador kay Tito Sotto: 'Senador na maaasahan'

“Expecting NCR to be at moderate risk next week,” tweet pa ni David.

Sa datos ng Department of Health (DOH), iniulat ng OCTA na ang seven-day average cases sa NCR ay bumaba na mula sa 15,782 noong Enero 12 hanggang 18 at naging 6,280 na lamang mula Enero 19 hanggang 25.

Bumulusok din ang one-week average daily attack rate (ADAR) sa 44 na lamang nitong Enero 19-25 mula sa 111 nitong Enero 12-18.

Ang reproduction rate sa NCR ay nasa 0.71 na lamang nitong Enero 26, mas mababa sa 2.06 noong nakaraang linggo.

Nilinaw ng OCTA Research na ang reproduction number ay bilang ng mga taong maaaring maihawa ng sakit ng isang pasyente at sinabing ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng pagbagal ng hawahan ng virus.

Mary Ann Santiago