Magandang balita dahil inaasahang matatanggap na ng mga guro at mga non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) ang kanilang Performance-Based Bonus (PBB) para sa Fiscal Year 2020.
Ito’y makaraang masuri ng Inter-Agency Task Force on the Harmonization of National Government Performance Monitoring, Information and Reporting Systems (AO25 IATF) ang Kagawaran bilang eligible para sa taunang insentibo sa mga performing agencies.
“We have consistently introduced reforms in our processes to help our employees provide better services to our stakeholders. I thank the whole DepEd family for contributing to these reforms and to our goal of improving our performance amidst challenging times,” ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones.
“We hope to continue this culture of excellence in the Department as we strengthen our programs and projects for basic education,” sabi nito.
Sa isang liham ng AO25 Chairperson at Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Kim Robert De Leon, napatunayang ang DepEd ay compliant o nakasunod sa 14 sa 15 naaangkop na pamantayan para sa 2020 PBB. Ito ang pinakamataas na bilang ng nasunod na pamantayan mula nang magsimula ang PBB noong 2012.
Kasama ang school-based personnel sa tatanggap ng FY 2020 PBB, na ibabase sa resulta ng DepEd school-level RPMS para sa 2020.
Dahil ang DepEd ay kinumpirmang eligible ng AO25 IATF, pangungunahan ng DBM ang pagbibigay ng bonuses.
Ang mga kawani ng paaralan ang unang makatatanggap ng kanilang bonuses, kasunod ang school division office (SDO)-based personnel na nakatalaga sa mga paaralan, susundan ito ng mga SDOs, Regional Offices (ROs), at panghuli, ang Central Office (CO).
Ida-download ng DBM ang mga pondo sa kanilang ROs, at direktang ipamamahagi ng DepEd ROs at SDOs sa kani-kanilang tauhan na kabilang sa mabibigyan ng PBB.
Mary Ann Santiago