Umarangkada na nitong Huwebes ang COVID-19 booster vaccination sa ilang piling drugstores sa Metro Manila, bilang bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na makamit ang herd immunity ng bansa laban sa COVID-19.
Sina Health Secretary Francisco Duque III at Manila Mayor Isko Moreno ang nanguna sa simbolikong pagbabakuna sa ilalim ng programang tinawag na ‘Resbakuna sa mga Botika’, na isinagawa sa Mercury Drug Pres. Quirino Avenue, Malate branch habang si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro naman ang nagbukas ng bakunahan sa South Star drug sa Brgy. Concepcion Uno, Marikina.
Ayon kay Duque, sa ngayon ay limang botika lamang muna ang kalahok sa pilot implementation ng programa, kabilang dito ang Generika sa Signal Village, Taguig; Mercury Drug sa President Quirino Avenue, Manila; SouthStar sa Brgy. Concepcion-Uno, Marikina; The Generics Pharmacy sa Sun Valley, Parañaque; at Watsons SM Supercenter sa Ortigas, Pasig.
Matapos aniya ang isang linggong pilot run, palalawakin pa ang programa sa iba pang drugstores sa iba pang panig ng bansa, na may sapat na espasyo para sa health and safety protocols.
Pansamantala, ang pinahihintulutan lamang rin ng pamahalaan na mai-administer sa mga botika ay booster shots para sa mga healthcare workers, kanilang mga kapamilya, essential workers, at indigent population.
"Sa una lang, at least yung mababakunahan ng botika meron nang patunay na okay na yun kanilang first and second dose," ani Duque.
"Mas kombiniyente, mas madali para sa kanila (publiko). Puwede ka magparehistro online para pagdating mo d'yan, pwede ka nang bakunahan ng walang aberya,” aniya.
Upang makapagpabakuna, kailangan lamang na magdala ng original vaccination card at isang identification card.
Bukas ang mga bakunahan sa mga botika mula Lunes hanggang Biyernes, ganap na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Sa Marikina City naman, bukod kay Teodoro ay sinaksihan rin nina Trade Secretary Ramon Lopez, Interior Undersecretary Epimaco Densing, at Robinsons Retail Holdings Inc. President at CEO Robina Gokongwei-Pe ang pagbubukas ng programa.
“Ang Resbakuna sa Botika ay additional access point para sa mga gustong magpabakuna, mas convenient dahil kung sila ay bibili ng gamot, kayo ay nasa lugar na ito, makakapagbakuna na sila. Hindi na sila kailangang pumunta sa malayong lugar para magpabakuna,” ani Teodoro. “Sa ganitong paraan ay na-de-democratize natin ‘yung access to vaccination.”
Target anila ng Southstar drug na makapagturok ng mula 100 hanggang 200 booster shots kada araw.
“On a per day basis, ang target natin dito na mabakunahan ay 100 hanggang 200 katao ang output capacity nitong Resbakuna sa Botika. Kaya malaking bagay ito, ang target na output capacity ng Marikina para sa isang araw para sa booster shots ay 10,000 vaccinees,” aniya pa. “In addition to this, inaasahan natin ang ginagawa dito sa Southstar Drugstore na Resbakuna ay magiging halimbawa o panimula para sa iba pang pharmacy o drugstore sa Marikina.”
Kabilang aniya sa target nilabang mabakunahan ay ang mga manggagawa para sa ligtas na pagbubukas muli ng ekonomiya para sa lahat.
“Pinapayagan din naman ang walk-in kung mayroon pang available slots sa araw na iyon, depende sa supply ng bakuna pero may buffer naman na inilalaansa mga walk-in lalo na sa mga kailangan talaga magbakuna,” aniya pa.
Mary Ann Santiago