Kagaya noong 2016 polls, sinabi ni Vice President Leni Robredo na muling kinokontrol ng kanyang mga kritiko sa pamamagitan ng kanilang "trolls" ang isipan ng publiko para maniwala na magkakaroon ng malawakang dayaan sa darating na halalan sa Mayo matapos ang paratang ng mga grupo na ang kanyang kampo ang nasa likod ng pag-hack ng mga computer server ng Commission on Elections (Comelec).
Nanawagan si Robredo sa poll body na magsagawa ng "honest-to-goodness" na imbestigasyon sa umano'y hacking na unang iniulat ng Manila Bulletin's Technews team.
“’Yung ginawa nila in 2016, parang nagma-mind setting nga na mayroong dayaan na nangyari,” ani Robredo sa midya sa isang virtual meet-up, Martes, Enero 11.
Nais ng Bise Presidente na “isapubliko” ng Comelec ang resulta ng imbestigasyon.
“Ito ‘yung ginagawa nila from the time na nagsimula sila sa social media. ‘Yung mind-setting, ginagamit ‘yung mga trolls. Ginagamit ‘yung mga trolls para mapapaniwala ang tao ng isang bagay na hindi naman,” giit ng aspiring President.
Noong Lunes, Ene. 10, ipinaalam ng MB Technews team sa Comelec na maaaring nakompromiso ang sensitibong impormasyon ng mga botante matapos umanong ilegal na pasukin ng isang grupo ng mga hacker ang kanilang mga server upang mag-download ng higit sa 60 gigabytes ng impormasyon na maaaring makaapekto sa mga botohan sa Mayo 2022.
Ngunit pinabulaanan ng tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez ang mga alegasyon kahit na kasalukuyang biniberipika ng poll body ang ulat.
Nilinaw niya na imposible para sa mga hacker na mag-download ng mga username at PIN ng mga voter counting machine dahil “such information still does not exist in Comelec systems simply because the configuration files—which includes usernames and PINs—have not yet been completed.”
Nanindigan si Jimenez na ang komisyon ay sumusunod sa Data Privacy Act.
Ngunit sa social media, sinabi ng mga kritiko ni Robredo na ang kanyang kampo ang nasa likod ng hacking para matiyak ang kanyang tagumpay sa darating na halalan.
Katulad daw ito ng ginawa ng kanyang kampo noong 2016 elections nang manalo siya laban sa kanyang pinakamalapit na karibal na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi ni Robredo na ito ay "very urgent" habang ang kanyang tagapagsalita, ang abogadong si Barry Gutierrez, ay nauna nang pinabulaanan ang mga kritiko sa pag-uugnay sa Bise Presidente sa umano'y hacking incident.
Raymund Antonio