Posible umanong maitaas pa sa Alert Level 4 ang quarantine status sa National Capital Region (NCR) bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang mga bagong COVID-19 cases sa rehiyon.
Paliwanag niDepartment of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, ikinukonsidera na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID)) ang nabanggit na hakbang dahil malapit nang umabot sa moderate risk ang healthcare care utilization rate sa rehiyon.
Marami pa rin aniyang mga healthcare workers ang dinadapuan ng virus.
“Madali na lang ‘yan pumalo sa moderate risk, which means 50 to 70% utilization rate. Nasa 47 to 48% na tayo sa ngayon 'yun sa ICUs (intensive care unit) natin sa NCR,” ani Duque, sa panayam sa radyo. “Healthcare workers natin marami rin ang nagkakasakit.”
Ipinaliwanag ni Duque na nais ng pamahalaan na maiwasan ang sitwasyon kung saan mayroong sapat na bed spaces sa mga pagamutan, ngunit wala namang sapat na healthcare workers dahil na rin sa tumataas na bilang ng mga impeksiyon sa kanilang hanay.
“‘Yun ang kinakatakutan natin. Pinaghahandaan natin ‘yan [kaya] hindi malayo ang NCR ipasya na mag-Alert Level 4,” dagdag pa niya.
Ang NCR ay nasa ilalim na ngayon ng Alert Level 3 hanggang Enero 15, 2022 at ilan pang mga kalapit nitong lalawigan, na nakapagtatala na rin nang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit.
Mary Ann Santiago