Hindi umano makalulusot sa kaso si Gwyneth Anne Chua, ang babaeng tumakas sa hotel quarantine facility sa Makati upang makipag-party at matapos ang ilang araw ay nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at sinabing isasagawa ang hakbang pagkatapos makarekober ni Chua sa COVID-19.

Si Chua aniya ay mananagot sa paglabag sa health protocol na ipinaiiral ng pamahalaan.

Naiulat na nag-check in si Chua sa Berjaya Makati Hotel sa Barangay Poblacion para sa kanyang quarantine period matapos manggaling sa Los Angeles, California nitong Disyembre 22.

Eleksyon

Re-elected na si Lito Lapid, nakapanumpa na bilang senador sa utol niya

Kinabukasan, nakipag-party umano ito sa kalapit na bar at nitong Disyembre 27 ay natuklasang nagpositibo ito sa COVID-19.

Nitong Disyembre 29, sapilitan itong pinaalis sa hotel, ayon sa Department of Tourism (DOT).

Paliwanag pa ng DOT, nahawa sa COVID-19 ang karamihan sa mga kasamahan nito sa party, gayundin ang ilang bar staff.

Nauna nang inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos, na iniutos na niya na imbestigahan ang kaso.

"Based on the instructions of SILG (Secretary of the Interior and Local Government) Año and CabSec (Cabinet Secretary Karlo) Nograles, I have instructed on 30 December 21 the DIDM (Directorate for Investigation and Detective Management), CIDG (Criminal Investigation and Detection Group), NCRPO (National Capital Region Police Office), and HS (Health Service) to investigate the case and file appropriate criminal charges against anyone who will be found violating," pahayag pa ng opisyal.